EDITORYAL - Wala nang pagbabago sa mga pulis
(Pilipino Star Ngayon) - November 16, 2019 - 12:00am

MALAKI na ang suweldo ng mga pulis. Ang pina­kamababang ranggo na patrolman ay sumusuweldo ng halos P40,000. Pagkaupo ni President Duterte noong 2016, ang pagtataas ng sahod ng mga pulis at sundalo ang pinrayoridad niya. Ang maliit na suweldo ng mga pulis ang sinasabing dahilan kaya gumagawa ng kabalbalan ang mga ito. Kaya naman agarang binigyan ng solusyon ng Presidente ang problema. Itinaas niya ang suweldo ng mga ito. Mas inuna pa niya ang pulis at sundalo kaysa sa mga guro na maliit din ang suweldo.

Pero isang malaking pagkakamali ang nagawang pagtataas ng suweldo sa mga pulis sapagkat lalo lamang naging gahaman ang mga ito. Kung kailan sila sumuweldo nang malaki, naghangad pa sila. Gumagawa pa rin sila ng kabalbalan para magkapera. Anong klaseng tao ang mga pulis na ito na masyado nang ganid at hidhid.

Siguro’y nagsisisi ang Presidente kung bakit agaran niyang itinaas ang suweldo ng mga pulis na hindi muna pinag-aralang mabuti kung narararapat nga ba. Hindi muna sana niya itinaas ang suweldo at inuna muna sana ang mga guro na ang karamihan ay nagtuturo sa mga malalayong barangay at tumatawid pa sa ilog at umaakyat ng bundok.

May panibago na namang dungis ang PNP dahil sa ginagawa ng mga pulis. Kamakalawa, apat na pulis mula sa Manila Police District (MPD) ang nahuli sa isinagawang entrapment operations. Naaresto ang apat na gahamang pulis sa loob mismo ng Baseco Police Community Precinct habang tinatanggap ang P200,000 marked money sa asawa ng inaresto nilang drug suspect. Unang humingi ng P500,000 ang mga gahaman subalit naibaba sa P200,000.

Ang mga gahamang pulis ay nakilalang sina Corporals Nickson Mina, Juan Carlo Guzman, Francis Miko Gagarin at Patrolman Tom Hikilan. Sinampahan ng kasong extortion at grave misconduct ang apat at masisibak sila sa puwesto.

Marungis na ang PNP ay lalo pang pinadungis ng mga gahaman. Hindi pa natatapos ang pag-iimbes­tiga sa “ninja cops” na notorious sa pagre-recycle ng shabu ay may bagong isyu na naman. Kamakailan din, nabalita ang mga pulis na nagpapasok ng kontrabando sa Bilibid.

Kailan magbabago ang mga pulis? O wala nang pagbabago kahit kailan?

PULIS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with