Tinuhog ang magkapatid

IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - June 2, 2019 - 12:00am

ISA itong kaso ng pag-amin sa krimen na ginawa sa labas ng korte o “extra-judicial confession”. Ang isyu rito ay kung tatanggapin sa korte ang naging pag-amin lalo at hindi naman siya pinayuhan kung ano ang puwede at hindi niya puwedeng sabihin na magagamit laban sa kanya. Sa kasong ito, tatalakayin din ang epekto kung hindi agad nagprotesta sa paghahain ng extra-judicial confession bilang ebidensiya at kung ituturing itong boluntaryo sa parte ng kriminal.

Ang kasong ito ay tungkol kay AA, isang 27-anyos na lalaking kasal kay BF. May mas nakababatang kapatid na babae si BF, si LF na matindi ang pagkagusto kay AA. Pinahiwatig ni LF kay AA na kung wala sana si BF ay puwedeng sila na lang ang magsama. Dahil natikman na ang katawan ni LF at sa pagnanasang magpatuloy ang romansa nila ng hipag, nakumbinse si AA sa pambubuyo ni LF at pinagplanuhan ang gagawing pagpatay sa asawa.

Nagkaroon ng pagkakataon si AA nang umalis sina BF at ang kapatid na si AF para mag-asikaso ng personal na bagay. Kumuha siya ng bolo at hinintay ang pagdaan ni BF sa madilim na bahagi ng dalampasigan. Niyaya niya sa dagat ang dalawa pagkatapos ay biglang tinagpas ang ulo ng kanyang misis. Napatay ang pobreng babae. Tumakbo naman sa may baybayin ang kapatid nitong si AF pero inabutan din ni AA at tinagpas gamit ang parehong bolong hawak. Namatay din si AF. Bumalik si AA sa bahay at pinakisamahan si LF. Tatlong araw matapos ang insidente ay saka siya gumawa ng pag-amin/extra-judicial confession sa mga pulis tungkol sa ginawa niyang pagpatay. Ginawa niya ang pag-amin sa harap ng sarhento at hepe ng mga pulis sa loob mismo ng presinto ng kanilang probinsiya. Sinabi ni AA na kusang loob at hindi siya pinilit na gawin ang pag-amin. Wala raw siyang anumang kapalit na pabuyang inaasahan.

Nang kasuhan ng pagpatay o parricide ay ginamit laban kay AA bilang Exhibit “A” ang kanya mismong extra-judicial confession. Hindi nagprotesta ang abogado ng depensa. Matapos ang paglilitis ay napatunayan na ginawa ni AA ang krimen at hinatulan ng kamatayan.

Awtomatikong inakyat ang kaso sa Supreme Court dahil sa pinataw na parusang kamatayan. Tinanggap ang extra-judicial confession bilang ebidensiya kahit pa hindi napayuhan ang akusado na huwag magsalita at kung sakaling magsalita ay magagamit ito sa kanya. Hindi naman daw porke hindi napayuhan ang akusado ay naging bawal na ebidensiya na ang kanyang salaysay. Hindi niya ginawa ang pag-amin sa harap ng huwes at isa pa, malinaw na binasa at ipinaliwanag sa kanya ng huwes ang epekto ng kanyang pag-amin pero pumirma pa rin siya.   Ayon pa sa SC ay maraming ebidensiya na nagtuturo na siya ang salarin bukod sa kanyang pag-amin na nagpapatunay na ginawa niya ang krimen tulad ng kakaiba niyang pagkilos, pag-iwas niya sa imbestigasyon nang unang tanungin ng mga pulis, ang pinangyarihan ng krimen, ang dami at lalim ng sugat na tinamo ng mga biktima na ayon sa sumuring doktor ay magagawa lang ng matulis na patalim tulad ng bolo na eksaktong inamin ng akusado, ang bakas ng dugo na natagpuan sa bolo at sa damit ng akusado na pawang hindi niya itinanggi.

Kamatayan ang dapat na parusa dahil pinagplanuhan niya ang pagpatay sa mga biktima, ginawa ang krimen sa kadiliman ng gabi at sa isang walang taong lugar. Hindi puwedeng maibsan ang bigat ng kanyang ginawa dahil lang sa kakulangan niya ng pinag-aralan. Hindi naman mukhang ignorante ang akusado. Ang kanyang kilos at galaw ay sa isang taong may kaalaman lalo sa kulturang Pilipino. Marunong pa nga siyang umintindi ng espanyol. Nagkasala siya sa krimen ng parricide at dapat lang mahatulan ng death penalty (US vs. Agatea, G.R. L-15177, December 18, 1919

JOSE C. SISON
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with