EDITORYAL - Daming artista na nagdodroga

NOON pa, may mga artista nang nasangkot sa droga at nasira ang buhay at pamilya. May mga nahuli na at na-rehab pero muling nagbalik sa bisyo. Ngayon, mas marami pa ang nagdodroga at ang ilan pa umano ay sangkot sa pagbebenta nito. Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nasa 31 artista ang nasa kanilang drug watch list. Sa 31, 20 rito ang actor at 11 ang actress. Pawang nasa 20 hanggang 30-anyos ang mga artistang sangkot sa droga at meron din na may edad na. Sabi ni PDEA Director Aaron Aquino, karaniwang ginagamit ng mga artista ay shabu, marijuana at ecstasy. Anim sa mga ito ang gumagamit ng cocaine.
Pinayuhan naman ni Aquino ang mga TV network na isailalim sa drug tests ang kanilang mga talent para makasiguro na malinis ang mga ito sa droga. Ayon sa PDEA director, dapat manmanan ng mga network ang kanilang mga artista at magsagawa ng internal cleansing. Mahalaga aniya ito para mapanatili ng mga artista ang kanilang pangalan sa harap ng mga manonood.
Maganda ang payo na ito ng PDEA director at nararapat na sundin ng TV networks at mga may-ari ng movie company. Kailangang mapanatili ang magandang imahe ng mga artista kaya dapat sumailaim sa drug tests. Hindi naman sinabi ng PDEA ang mga artistang sangkot at gumagamit ng droga. Payo pa rin ng PDEA sa networks, sakali’t mapatunayan na gumagamit ng droga ang kanilang talent, dapat alisin na ito. Hindi na dapat pang manatili sa harap ng kamera ang mga actor at actress.
Malaking problema ang droga sa bansa. Sa kabila na araw-araw ay may nahuhuling drug suspects at nakukumpiskang shabu, hindi pa rin matuldukan ang problema. Nakadagdag pa ang report na nag-ooperate na sa bansa ang apat na international drug syndicates. Dapat paigtingin pa ang kampanya sa droga. Wala nang atrasan ito sapagkat parami na nang parami ang nagiging sugapa.
Sabi ni President Duterte ang huling tatlong taon niya ay mas magiging mabangis sa paglaban sa illegal na droga. Sana nga, malipol na ang mga salot na nagkakalat ng droga.
- Latest















