Ginahasa ng tindero
IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - February 12, 2019 - 12:00am

(Unang bahagi)

ISA itong kaso ng rape kung saan walang ibang naging saksi ng krimen kundi ang biktima at ang rapist. Sa ganitong pagkakataon, ang paghatol o pagpapawalang-sala sa akusado ay base lang sa salaysay ng biktima at kung mas paniniwalaan ito kumpara sa palusot ng rapist na magsyota sila. Binabanggit din sa kaso kung ano ang magpapa­bigat sa krimen para tuluyang mahatulan ng kamatayan ang akusado.

Ang kasong ito ay tungkol kay Rina, isang 17-anyos na dalagita. Nakatapos lang siya ng Grade VI at napilitang pumasok na katulong. Buong buhay niya ay inakala ng ina na tomboy si Rina dahil kahit kailan ay hindi siya nakipagtalik sa ibang lalaki.

Base sa kuwento ni Rina, nangyari ang unang insidente ng panggagahasa nang maiwan siya at ang alaga niyang isang taong gulang na bata sa bahay ng amo niyang si Mario Ang. Nanonood si Rina ng telebisyon ng makarinig ng ingay sa may pintuan. Biglang pumasok sa loob ng bahay si Mandy na nagtitinda ng daing na isda. Agad siyang hinawakan sa kamay, binusalan sa bibig at tinutukan ng patalim. May dalawang lalaki pa na kasama si Mandy pero si Danny lang ang kanyang namukhaan. Hinampas siya ni Danny mula sa likod dahilan para mawalan siya ng malay. Nagising siya pagkaraan ng tatlumpung minuto. Naka­baba na ang kanyang shorts at dumudugo ang kanyang ari. Agad siyang naghugas at naligo. Nang dumating ang among si Mario at ang asawa nito ay walang anumang sinabi si Rina at hindi nagsalita tungkol sa insidente.

Nangyari ang sumunod na insidente ng panggagahasa matapos ang isang linggo. Muling naiwang mag-isa sa bahay ng amo si Rina at ang kanyang alaga. Kasalukuyan siyang nagluluto ng baboy nang pumasok mula sa likod bahay si Mandy, Danny at isang lalaki na hindi niya kilala. Hinawakan ni Mandy ang kanyang kamay sabay takip sa kanyang bibig. Ang kasama naman nila ang pumatay ng apoy sa kalan. Inihiga siya ng lalaki sa sahig at tinutukan ng patalim. Muli siyang pinagsamantalahan ni Mandy. Nang matapos makuha ang gusto ay tinusok pa nito ng pako ang kanyang kamay. Pagkatapos ay agad na umalis ang tatlo. Naapektuhan ang trabaho ni Rina dahil sa nangyari pero nakuha pa nitong tapusin ang pagluluto ng tanghalian bago dumating ang kanyang mga amo.

Isinumbong ni Rina sa mga pulis ang ginawang pagpako sa kanyang kamay pero hindi ang panggagahasa. Natakot si Rina na totohanin ni Mandy ang banta na papatayin ang kanyang ina. Ilang beses din siyang nagtangkang magpakamatay. Lalo nang madiskubre ng kanyang ina na ginahasa siya at nabuntis tuloy nagsilang ng sanggol matapos ang walong buwan.                           (Itutuloy)

CRIME RAPE
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with