Inflation sa Venezuela papalo sa 10,000,000%
NU’NG iulat ng International Monetary Fund na papalo ang inflation sa Venezuela sa 10,000,000 percent sa 2019, marami ang hindi makapaniwala. Binilang nila ang mga zero, at saka inisip ang kahulugan. Ang dating mabibili ng 1 bolivar, pera ng Venezuela, ay magiging 100,000. Isipin kung sa Pilipinas mangyari ‘yan. Ang P1 na sachet ng cornick, pitong pirasong butil ng mais, ay magiging P100,000. Ang pakete ng biskuwit na P10 ay magiging P1 milyon. Ang isang kilo ng tilapia na P100 ay magiging P10 milyon. At ang isang kilo ng sili na pumalo sa P1,000 ay magiging P100 milyon.
Mag-iisang taon nang hyper-inflation sa Venezuela. Ang isang tasa ng kape na sobrang mahal na 190,000 bolivar nu’ng Abril; naging 1.4 milyong bolivar nu’ng unang linggo ng Agosto; at sumipa pa sa 2 milyon nu’ng sumunod na linggo. Ang manok na hindi na ma-afford na 14.6 milyong bolivar -- katumbas ng $2.22 o P118 -- ay dumoble pa ngayon. Ang isang rolyong toilet paper ay 2.6 milyong bolivar. Para mabili ‘yun, kailangan ng tumpok ng bolivar na tig-1,000 na isang dangkal ang taas. E ang karaniwang kita ng isang Venezuelan nu’ng nakaraang taon, bago mag-hyper-inflation, ay 8,000 bolivar lang.
Halos linggo-linggo tinataas ng gobyerno ang minimum wage; nu’ng Agosto ay 3 milyon na kada buwan. Pero sarado ang mga pabrika at opisina. Walang trabaho. Nag-devalue na ng pera ang gobyerno, pero patuloy ang paglubog ng halaga ng bolivar.
Araw-araw libu-libong Venezuelans ang pumupuslit sa mga kapitbansang Colombia at Brazil -- naghahanap ng makakain, gamot, at hanapbuhay. Wala na silang tiwala sa sariling ekonomiya.
Pinalpak ng sosyalistang gobyerno ng magkasunod na President Hugo Chavez at Nicolas Maduro ang ekonomiya. Waldas siya sa paggasta. Pala-away sa Oposisyon, sa Simbahan, at sa Kanluran. Dumikit sa China at Russia. Hinahayaan ang katiwalian ng mga katoto.
- Latest