EDITORYAL - Hustisya’y mabilis kay Demafelis
(Pilipino Star Ngayon) - April 3, 2018 - 12:00am

NOONG nakaraang Pebrero ng kasalukuyang taon natagpuan ang bangkay ni Joanna Demafelis sa loob ng freezer sa isang abandonadong apartment sa Kuwait City. Tinortyur muna siya bago pinatay at saka inilagay sa freezer. Ang pangunahing suspek sa pagpatay ay ang mga amo ni Demafelis na sina Nader Essam Assaf, isang Lebanese at ang asawa nito na si Mona, isang Syrian. Nadakip na ang dalawa noon ding Pebrero at kasalukuyang nakakulong sa Lebanon ang lalaki at sa Syria naman ang babae. Hinatulan ang dalawa in absentia. Kamatayan sa pamamagitan ng pagbigti ang hatol sa kanila ng Kuwait court.

Mabilis ang pag-usad ng kaso ni Demafelis. Halos isang buwan lang mula nang maaresto ang mag-asawang suspect ay may hatol na agad. Ayon sa report, kahit puwedeng iapela ang unang hatol na kamatayan, magiging mabilis pa rin ang paglilitis at baka sa susunod na buwan ay igawad na ang kamatayan sa dalawa.

Ang pagpatay kay Demafelis ang naging daan para ipatigil ni Pres. Rodrigo Duterte ang deployment ng OFWs sa Kuwait noong Pebrero. Sinibak din niya ang mga opisyal ng Labor at OWWA sa Kuwait dahil sa pagpapabaya sa kaso ni Demafelis. Tinawagan ng kapatid ni Demafelis ang mga opisyal ng Labor at OWWA pero sinabihan ito na marami pa silang prayoridad na kaso. Pinauwi na ng Pilipinas ang tatlong pabayang opisyal.

Mabilis ang hustisya kay Demafelis at sana ga­nito rin kabilis sa iba pang kaso ng OFWs sa Middle East. Hindi lamang sa Kuwait minamaltrato ang mga OFW particular ang mga domestic helper kundi pati na rin sa Saudi Arabia, Qatar at United Arab Emirates. May mga DH na ginagahasa, hindi pinasusuweldo, hindi pinakakain at ang masaklap, ibinibenta pa ng amo nito sa ibang pamilya.

Ang mabilis na hustisya kay Demafelis ay ma­aaring magpabago sa desisyon ni Duterte para alisin na ang deployment ban sa Kuwait. Pero pag-isipan ding mabuti bago alisin ang ban. Siguruhing susundin ng Kuwait ang mga kahilingan ng Pilipinas para maproteksiyunan ang OFWs.

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with