EDITORYAL - Kawawang mga ‘bagong bayani’
PATULOY ang paniningil ng airport terminal fee sa mga papaalis na overseas Filipino workers (OFW) na tinagurian pa namang mga ‘‘bagong ba-yani”. Patuloy ang pangungulekta ng P550 terminal fee kahit malinaw sa Migrant Act na exempted ang mga OFW sa bayaring ito. At tila wala ngang pakiramdam ang MIAA management sa ginagawang kabayanihan ng mga OFWs sapagkat patuloy ang paniningil ng terminal fee. Wala na silang kinikilala kahit pa lantarang batikusin ang illegal na pangungulekta ng terminal fee na sinimulan noong nakaraang taon. Pinahihirapan nila ang mga OFWs na tumutulong para mapaunlad ang ekonomiya ng bansa. Baka nakakalimutan ng MIAA na ang mga OFWs ang sumagip sa bansa makaraang maapektuhan ng krisis sa ekonomiya ang Southeast Asia.
Ang patuloy na paniningil ng terminal fee ang naging daan para sabihan ng Senado ang MIIA management na i-recall ang memorandum na kanilang inilabas noong nakaraang taon. Anila, illegal ang pangungulekta ng terminal fee. Pero sa kabila nito, patuloy pa rin at tila walang bahagya mang takot si MIAA manager Jose Angel Honrado sa utos ng mga senador na i-recall o bawiin ang Memorandum Circular (MC) No. 8 Series of 2014 na nagsasabing ang international passenger service charge (IPSC) ay isasama sa airline tickets ng OFW.
Malaking tulong sa bawat OFW ang P550 kaya hindi makatarungan na patuloy silang singilin dito. Isa pa, nasa batas na exempted ang OFWs sa pagbabayad ng terminal fee kaya bakit pinagpilitan ng MIAA ang paniningil dito.
Taliwas ang nangyayaring ito sa “tuwid na daan” na madalas sabihin ni President Aquino. Bakit kailangang pahirapan ang mga OFW na malaki ang naitutulong sa bansa? Tila nasa maling landas ang MIIA manager sa patuloy na paniningil sa mga aalis na OFWs. Kawawa naman ang OFWs na ang karamihan ay hindi naman kalakihan ang suweldo sa ibang bansa. Dapat pagaanin ang pasanin ng OFWs. Huwag silang singilin ng terminal fee. Dito man lang ay maipakita ang malaking utang na loob sa kanila. Dapat kumilos ang mga mambabatas partikualt ang OFW partylist para alisin ang pinapataw na P550 terminal fee sa mga bagong bayani.
- Latest