‘DAP’

MARAMING pumipigil sa deliberasyon ng legalidad ng kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program o DAP.

Matagal ng hinihiling ng Office of the Solicitor General (OSG) o ang tumatayong abogado ng pamahalaan sa Korte Suprema ang pag-urong dito.

Tinanggal naman daw ni Pangulong Benigno Aquino ang DAP kaya wala ng dapat pang pagdesisyunan pa ang hukuman.

Kung aanalisahin, hindi naman nila tatanggalin ang DAP kung hindi ito nabuking.  Taong 2012, nang madiskubre ang umano’y “pondo” na ito ni PNoy.

 Ito ang sinasabing ginawang “panuhol” ng presidente sa ilang mga kongresista at senador para mapatalsik si dating Chief Justice Renato Corona.

 Ngayon, dahil nabulgar na kanilang baho sa publiko, pilit nilang pinatatahimik ang kataas-taasang hukuman para mapagtakpan ang kanilang pagkakamali.

 Ang Supreme Court ay hiwalay na sangay ng pama-halaan. Anuman ang dinidinig dito at anuman ang kanilang pasya, dapat nirerespeto at sinusunod.

 Subalit, ang OSG sa halip na hintayin ang desisyon, legal man o ilegal ang DAP, pilit na nilang pinangungunahan.

 Kahapon sa aking programang BITAG Live, nakatawag din sa aking pansin ang sinasabi ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga sa mga hukom.

 Ang deliberasyon daw ng Korte Suprema sa DAP ay isang uring panghihimasok sa ehekutibo at lehislatura. 

Pinagde-desisyunan ang legalidad ng Disbursement Acceleration Program, para hindi na ito maulit pa sa anu­mang katawagan, pangalan, hitsura, sistema o mga kau-ring “forced savings” o sapilitang pangangalap ng pondo mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

* * *

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.

 

Show comments