BI: Mga dokumentong nabibili sa social media, peke
MANILA, Philippines — Nagbabala si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco sa mga aspiring overseas Filipino workers (OFWs) na huwag bumili ng mga dokumento sa mga social media platforms at messaging apps dahil karaniwan na aniyang peke ang mga ito.
Ang babala ay ginawa ni Tansingco matapos ang pagkakaharang sa mga Pinay victims na nagprisinta ng mga pekeng Overseas Employment Certificate (OEC), na nabili nila sa WhatsApp at Facebook.
Nabatid na isang 49-anyos na Pinay ang hinarang ng BI officers sa Clark International Airport (CIA) noong Mayo 24, habang nagtatangka itong sumakay sa isang Emirates airlines flight para sa United Arab Emirates (UAE) matapos na magprisinta ng isang counterfeit Overseas Employment Certificate (OEC).
Ayon kay BI immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) chief Bienvenido Castillo III, sinabi pa umano ng Pinay na for redeployment o babalik lamang siya sa United Arab Emirates.
Sa isinagawa namang secondary inspection, umamin ang Pinay na peke ang OEC na nabili lamang niya sa WhatsApp, sa halagang P7,200.
Samantala, iniulat ng I-PROBES ng BI na noong Mayo 26, nasabat nila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang isa pang biktima, na 25-anyos na patungo sana sa Kuwait upang magtrabaho.
Hindi na pinayagang makasakay sa kanyang Gulf Air flight ang biktima nang matukoy na peke ang kanyang OEC, na nabili niya sa FB na tinatawag na “OEC Appointment” sa halagang P500.00.
Babala pa ni Tansingco, ang pagbebenta ng mga pekeng dokumento upang tulungang ilegal na makaalis ng bansa ang mga manggagawa ay ikinokonsidera bilang “human trafficking”.
- Latest