13 Pinoy, ligtas sa missile attack sa Yemen – DMW
MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng Department of Migrant Workers (DMW) na pawang nasa ligtas na kondisyon ang 13 tripulanteng Pinoy at isang Ukrainian seaman na lulan ng isang barko na inatake ng missile ng mga rebeldeng Houthi sa Yemen kamakalawa.
Ayon sa DMW, nakatanggap sila ng impormasyon ng local manning agency (LMA) ng shipping company, na ang barko, na isang bulk carrier, ay nagtamo ng pinsala mula sa apat na missiles na pinakawalan ng mga rebelde, habang naglalayag ito sa Yemeni coast, malapit sa Hodeidah, kamakalawa ng hapon.
Mapalad naman umanong hindi nasaktan o nasugatan ang mga lulan nitong tripulante.
Sa ngayon ay ipinagpapatuloy na umano ng barko ang kanilang paglalayag patungo sa pantalan na kanilang dadaungan.
Tiniyak naman ng DMW na, “The DMW is communicating with the shipping and manning agencies, monitoring the safety and condition of our Filipino seafarers.”
Nakikipag-ugnayan na rin umano ang DMW sapamilya ng mga tripulante upang pagkalooban ang mga ito ng kinakailangang tulong.
Nabatid na naimpormahan na rin ng manning agency ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), na attached agency ng DMW, hinggil sa insidente.
- Latest