Siklista, dedo sa sagasa ng 10-wheeler
MANILA, Philippines — Isang siklista ang patay matapos na masagasaan ng isang 10-wheeler truck sa Ermita, Manila kahapon ng hapon. Kinilala ang biktima na si Dominico Anocop Sr., 47, at residente ng Barangay 649, Port Area, Manila.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver ng Isuzu aluminum high side truck na si Aristeo Pablo, 36, ng Gapan, Nueva Ecija, na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide sa piskalya.
Batay sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), pasado alas- 12:00 ng tanghali nang maganap ang aksidente sa Roxas Boulevard, kanto ng Katigbak Parkway, sa Ermita. Sa imbestigasyon, natukoy na kapwa lumiliko pakanan ang biktima at suspek sa naturang lugar, nang aksidenteng mapadikit ang bisikleta ng una sa kaliwang likurang bahagi ng truck, sanhi upang mabuwal ito sa kalsada.
Minalas pang magulungan ang biktima ng kaliwang likurang gulong ng truck na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.
- Latest