MMDA, LGUs bumuo ng ‘road safety action plan’
Upang mabawasan ang aksidente sa kalsada
MANILA, Philippines — Binalangkas sa tatlong araw na stakeholders’ meeting ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng iba pang ahensya ng gobyerno ang mga hakbang pangkaligtasan para mabawasan ang bilang ng mga nasasawi sa kalsada dulot ng mga aksidente.
Ang hakbang ay napapaloob sa Metro Manila Road Safety Action Plan (MMRSAP) 2024-2028 na magsisilbing framework para sa mga pagsusumikap sa kaligtasan sa kalsada ng rehiyon, na naglalayong bawasan ng 35% ang mga nasasawi sa aksidente sa kalsada pagsapit ng 2028.
Suportado ng Department of Transportation (DOTr), World Health Organization (WHO) Philippines, at The Policy Center (TPC), ang aktibidad na ito ay bahagi ng pagdiriwang para sa Philippine Road Safety Month.
Batay sa Metro Manila Accident Reporting and Analysis System (MMARAS), may humigit-kumulang 92,583 road crashes taun-taon sa nakalipas na dekada, o average na 410 na pagkamatay bawat taon. Sa mga nasawi na ito, 51% ay mga driver, 36% ay mga pedestrian, at 13% ay mga pasahero. Binibigyang-diin ng mga istatistikang ito ang agarang pangangailangan para sa pinahusay na mga hakbang sa kaligtasan sa kalsada upang protektahan ang lahat ng gumagamit ng kalsada at bawasan ang bilang ng maiiwasang pagkamatay.
Mga kinatawan mula sa mga local government units (LGUs) ng Metro Manila at mga technical experts mula sa Department of Public Works and Highways, Department of Health, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Land Transportation Office, Philippine National Police-National Capital Region Police Office, PNP- Highway Patrol Group, at University of the Philippines-National Center for Transportation Studies, ay nagpulong sa istratehiya ang pagbuo ng plano.
- Latest