Lalaki sumalpok habang tumatakas, patay
Nakabangga ng kapwa rider
MANILA, Philippines — Patay ang isang rider nang sumalpok sa concrete barrier matapos niyang takasan ang nabanggang kapwa rider kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Dead-on-the-spot ang motorcycle rider na si Reynaldo Yang, 29, high school graduate, construction worker at residente ng Corocan Talisay Brgy, Payatas, Quezon City.
Sugatan naman ang unang nabanggang rider na si Pastor Moises Ganiban, 51, ng No. 814 Mindanao St., Lupang Pangako, Brgy. Payatas B, Quezon City at ginagamot sa East Avenue Medical Center (EAMC).
Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District-Traffic Sector 5, dakong alas-6 ng gabi nitong Linggo habang sakay si Yang ng motorsiklong Rusi Sigma 250 CC at bumabagtas sa Montalban patungong Commonwealth, sa harap ng Payatas Elementary School, ng Bgry. Payatas nang mabangga nito si Ganiban na sakay naman ng Honda click na motorsiklo at natumba.
Sa halip na huminto, pinaharurot ni Yang ang kanyang motorsiklo hanggang sa sumalpok na ito sa concrete barrier na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya kay Reymark David Gonzalvo ng No. Area 1, 32 Jasmin St., Novaliches, Quezon City na sinasabing nagmamay-ari ng motorsiklo, base sa nakuhang dokumento ng pulisya.
- Latest