2 pulis-SAF naka-deploy sa Zamboanga nabuking, bodyguards ng Chinese sa Metro Manila
MANILA, Philippines — Nang dahil sa nilikhang tensyon, nadiskubre na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na naka-deploy sa Zamboanga ang dalawang suspek na ipinaaresto ng mga residente sa Ayala, Alabang, Muntinlupa City dahil sa “alarm and scandal” noong Mayo 18.
Ang dalawang pulis na may ranggong patrolman at corporal ay inaresto ng mga tauhan Ayala-Alabang Police Sub-Station 5 matapos na ireport ng mga guwardiya ng subdivision ang panggugulo ng mga ito. Nagtalo umano ang dalawa nauwi sa suntukan kung saan nagkasugat ang isa sa noo.
Nakatira umano ang dalawa sa bahay ng isang Chinese national at nagsisilbi silang mga bodyguards nito.
Sa kanilang pag-aaway ay tumakbo umano sa ibang residential house ang isa kaya naalarma ang iba pang residente at ini-report sa security guards ng subdibisyon.
Umabot naman ito sa kaalaman ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon dahil kabilang siya sa online group chat ng mga residente.
Ayon kay NCRPO chief P/Major General Jose Melencio Nartatez Jr., sinumang miyembro ng PNP na magsisilbing bodyguard ay dapat dumaan sa proseso at may approval ng chief PNP.
“We have a unit in the Philippine National Police, that is the PNP Security Group, PSPG. In this PSPG, sila ‘yung nagbibigay ng protective custody sa ating mga…whether civilian or VIP security wherein itong binibigyan nila ng security, of course, ay mayroong threat in their lives,” diin ni Nartatez.
Kaugnay nito, agad namang sinibak sa puwesto ang dalawang SAF member dahil sa ginawang kaguluhan sa Ayala Alabang Village.
Sa ulat ni SAF director P/Brig. General Mark Pespes, kasama rin sa sinibak ang pito iba pang SAF personnel na may direktang superbisyon sa dalawang SAF trooper, kabilang ang battalion commander, mga company commander, at mga platoon leader.
- Latest