Tricycle driver utas sa pamamaril sa Caloocan

Ang biktimang si Fernando Lopez, 56, residente ng 318 F Torres St., Brgy. 75 ng lungsod ay agad binawian ng buhay sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa ulo.
STAR/File

MANILA, Philippines — Patay ang isang tricycle driver makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang armadong salarin sa naganap na karahasan sa lungsod ng Caloocan nitong Bi­yernes ng gabi.

Ang biktimang si Fernando Lopez, 56, residente ng 318 F Torres St., Brgy. 75 ng lungsod ay agad binawian ng buhay sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa ulo.

Patuloy naman ang isinasagawang follow-up operation ng pulisya para maaresto ang suspect.

Sa ulat nina P/MSg. Michael Olpindo at P/SSg, Deojoe Dador kay Caloocan City Police Chief P/Col. Ruben ­Lacuesta, dakong alas-7:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa harap ng isang kilalang supermarket sa kahabaan ng Samson Road, Brgy. 72.

Lumabas sa imbestigasyon na nakatayo ang biktimang sa nasabing lugar nang lapitan ng nag-iisang salarin.

Armado ng hindi natukoy na kalibre ng armas ay agad na pinagbabaril ng malapitan ng salarin ang biktima na nasapul ng bala sa ulo.

Matapos ang insi­dente, mabilis na tumakas ang suspect na nakasuot ng itim na jacket at maong na short pants patungo sa direksyon ng EDSA.

Kaugnay nito, ipinag-utos na ni Lacuesta ang backtracking sa kuha ng mga nakakabit na CCTV camera sa lugar na maaring makatulong upang makilala ang suspect habang patuloy pang inaalam ang motibo ng krimen.

Show comments