2-araw na tigil-pasada, ikinasa uli sa Abril 29-30
MANILA, Philippines — Plano ng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytors Nationwide (PISTON) na magkasang muli ng dalawang araw na tigil-pasada sa susunod na linggo.
Sa isinagawang kilos protesta kahapon ng umaga sa tapat ng Korte Suprema, kinumpirma ng grupo na plano nilang maglunsad muli ng panibagong tigil-pasada sa Abril 29, Lunes, at 30, Martes, sakaling hindi dinggin ang kanilang mga hinaing laban sa isinusulong na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Ayon sa grupo, ang naturang kilos-protesta ay lalahukan ng tinatayang aabot sa 250,000 miyembro ng PISTON sa buong bansa.
Kaugnay nito, umapela ang grupo sa mga mamamayan, partikular na sa mga commuters, na unawain ang kanilang kalagayan.
“Pakiusap namin sa mga commuter na unawain ang kalagayan ng mga driver at operator dahil ito ay laban ng mga mamamayan. Ito ay laban ng malawak na sektor ng mga commuter,” ayon kay Ruben Baylon, na siyang deputy secretary ng grupo.
Matatandaang noong Abril 15 at 16 ay una na ring nagkasa ng tigil-pasada ang mga grupong PISTON at Manibela bunsod ng nalalapit nang pagtatapos ng April 30 consolidation deadline, na unang bahagi ng PUVMP.
Kahapon naman ay sumugod ang mga miyembro ng PISTON sa Korte Suprema at kinalampag na aksiyunan na nito ang kanilang petisyon na humihiling ng temporary restraining order (TRO) laban sa PUV modernization program ng pamahalaan.
- Latest