Babaeng claimant sa P218 milyong shabu shipment, kinasuhan
MANILA, Philippines — Kinasuhan na ng Department of Justice (DOJ) ang isang babae na siyang claimant ng mahigit 31 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P218,484,000 na nasabat sa Pasay City ng mga miyembro ng Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) kamakailan.
Ang claimant ng nasabing kontrabado na kinilalang si Christine Tigranes ng Balingasa, Manila ay nahaharap sa paglabag sa Section 4 (Importation of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act No. 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Section 1401 (Unlawful Importation o Exportation) ng RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.
Ayon sa DOJ, ito’y matapos lumitaw sa isinagawang inquest proceedings na may probable cause sa pagsasampa ng kaso laban kay Tigranes, na siyang nakapangalan bilang receiver sa mga ilegal na kontrabando na ipinadala ng isang Isaac Chikore mula sa Zimbabwe.
Batay sa impormasyon, ang mga naturang ilegal na droga ay nakabalot sa apat na karton at idineklara bilang machinery mufflers na inilagay sa loob ng apat na parsela na natanggap ng consignee sa PAIR-PAGS Center, NAIA Complex.
- Latest