3 arestado sa mahigit P20 milyong shabu
MANILA, Philippines — Aabot sa higit P20 milyon ang halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Quezon City at Pampanga.
Ayon kay PDEA Director General Mozo Virgilio Lazo, sa dalawang operasyon nadakip ang mga drug suspects na sina Arnold Zaragoza Armamento, 49, taxi driver at Ansano Macapantad, 28 at Salahudin Amatonding, 29.
Sa Quezon City, ikinasa ng mga tauhan ni PDEA Special Enforcement Services chief Rogelito Daculla ang anti illegal drug operation dakong alas-12:17 ng tanghali nitong Huwebes sa isang mall sa Cloverleaf, Balintawak Quezon City na nagresulta sa pagkakahuli kina Armamento at Macapantad.
Bago ito, sumailalim sa dalawang linggong surveillance ang mga suspek na nagpapalit- palit ng lugar para sa ‘meet up’.
Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang vacuum sealed na hinihinalang shabu na may timbang na dalawang kilo at tinatayang nagkakahalaga ng P13.6 milyon at cellphone.
Samantala, alas-7:55 naman ng gabi nitong Huwebes nang isagawa ang buy-bust sa harap ng isang hotel sa Gugu, Bacolor, Pampanga kung saan nakalawit si Amatonding.
Nasa isang kilo ng shabu na may standard price na P6.8 milyon, cellphone, boodle money at Toyota Vios ang nakuha kay Amatonding.
Tiniyak ng PDEA na sumailalim sa intelligence at case build up ang kanilang mga drug operations.
Ang mga arestado ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
- Latest