‘Walang panghuhuli, paniniket sa mga e-bikes, e-trikes’ - MMDA
MANILA, Philippines — Bilang pagsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ipinagpaliban ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paghuli, paniniket at pagpapataw ng parusa sa mga tricycles, kuligligs,e-bikes, kariton, at e-trikes na gumagamit ng national roads sa Metro Manila.
Sinabi ni MMDA Acting Chairman Don Artes na natanggap nila ang direktiba ng Pangulo noong Huwebes ng umaga na suspindihin ang pagpapatupad ng MMDA Regulation 24-002 Series of 2024.
“Our president is a compassionate leader, and he is sensitive to the sentiments of the public, as some of the violators claimed that they were not aware of the regulation, do not know the alternative routes, and have not yet adjusted their routine in the use of their electric bikes,” pahayag ni Artes sa press briefing sa MMDA Head Office, sa Pasig nitong Biyernes.
Sinabi ni Artes na pag-aaralan ng ahensya kung paano gagawin ang pagkansela ng citation tickets na inisyu sa 290 violators at ang pagbabalik ng 69 na impounded na sasakyan mula Abril 17 hanggang sa suspensiyon ng pag-iisyu ng tiket kahapon ng umaga.
Sa ilalim ng palugit, ipagpapatuloy ng MMDA ang pagsita sa mga lalabag ngunit hindi mag-iisyu ng mga tiket at hindi ma-i-impound ang mga sasakyan. Sa halip, ipapaalam sa kanila ang regulasyon at papayuhan tungkol sa mga alternatibong kalsada na maaari nilang gamitin.
Bago umano matapos ang isang buwan na grace period, magsusumite sila sa Pangulo ng rekomendasyon.
Mananatili pa rin aniya, ang P2,500 na multa pagkatapos ng grace period, sa paliwanag na pagpaparusa ang nasabing halaga dahil kung mas mababa ang halaga ay uulit-ulitin lamang ang mga paglabag.
Isinantabi din ni Artes ang mga pagpuna sa mahigpit na implementasyon ng regulasyon sa pagsasabing “ang batas ay mahigpit, mabigat; pero ang batas ay dapat sundin. Just like any regulation on traffic rules and policies, we will strictly enforce them, without partiality.”
Dapat ding sundin ang inilabas na guidelines sa registration ng Land Transportation Office.
- Latest