P218 milyong shabu, nasabat sa NAIA: Claimant timbog
MANILA, Philippines — Isang highly placed intelligence report ang nagresulta sa pagkakumpiska sa may P218.48 milyong halaga ng hinihinalang shabu ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) at PDEA -IADITG, kamakalawa sa Ninoy Aquino International Airport (NANabatid na nasa kustodya na rin ng mga awtoridad ang babaeng claimant na si alyas Christine Tiranes nang tangkain nitong i-claim ang parcel na may lamang bulto-bulto ng shabu.
Depensa ng suspect inutusan lang daw siya ng kanyang boss para kunin ang naturang parcel.
Ayon kay BOC Commissioner Bien Rubio, ang shipment, na dumating mula sa Zimbabwe,Africa noong Abril 13 sa Paircargo warehouse facility sa NAIA, ay unang idineklara bilang “machinery muffler” ngunit isinailalim sa profiling ng Intelligence Division matapos na makatanggap ng ulat.
Nabatid na ang pakete ay ipinadala ng isang Isaac Chikore mula sa Harare, Zimbabwe at naka-consigned kay Tiranes.
Ayon kay CIIS Director Verne Enciso, ang mga substances na nadiskubre ay umaabot sa kabuuang 32.13 kilogramo, at may estimated street value na P218,484,000.
Isinagawa ang operasyon matapos na pangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inspeksiyon sa mahigit dalawang tonelada ng shabu na nagkakahalaga ng P13.3 bilyon sa Batangas, kung saan pinuri niya ang mga ahente dahil sa matagumpay ng operasyon, nang hindi kinakailangang gumamit ng karahasan.
Samantala, sa kanyang panig, binigyang-diin naman ni Deputy Commissioner for Customs Intelligence Group Juvymax Uy ang kahalagahan ng intelligence gathering sa mga operasyon ng ahensiya.
Nahaharap si Tiranes sa mga kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest