Higit 100 pinaghuhuli sa paglabag sa regulasyon sa e-bikes, e-trikes sa national roads
MANILA, Philippines — Mahigit sa 100 ang hinuli at natiketan sa unang araw ng panghuhuli sa paglabag sa prohibisyon sa tricycle, push cart o kariton, pedicab, kuliglig, e-bike, e-trike, at light electric vehicle na dumaan sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Kinabibilangan ito ng 50 tricycle, 4 na pedicab, 18 e-trike, 15 e-bike, at 19 naman ang na-impound.
Ang nasabing bilang ay hanggang alas-12:00 ng tanghali pa lamang nitong Miyerkules (Abril 17).
Ang multa sa paglabag ay P2,500. Kung hindi rehistrado at/o wala maipakitang lisensya ang nagmamaneho nito, kukumpiskahin at i-impound ang unit nito.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Don Artes, hindi bago ang regulasyon dahil may nauna nang inilabas na memorandum ang Department of Interior and Local Government (DILG) na nagbabawal sa mga ganitong uri ng mga sasakyan sa mga pangunahing lansangan. Layon nito na maingatan ang kaligtasan ng publiko, mabawasan ang mga aksidente, at maiwasan ang bigat sa daloy ng trapiko.
Bago ang tuluyang panghuhuli, dalawang araw na nagsagawa ng dry-run ukol dito kung saan pinaalalahan ang mga driver bilang bahagi ng information drive upang mas mapalaganap pa ang impormasyon ukol dito.
- Latest