Metro Manila, 23 pang lugar dumanas ng mapanganib na heat index
MANILA, Philippines — Dumanas ang Metro Manila at 23 pang lugar sa bansa ng mapanganib na heat index nitong Martes.
Sa unang forecast ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), abot ng 42 degrees Celsius ang init ng panahon sa ilang bahagi sa Metro Manila partikular sa NAIA, Pasay City station habang 40 degrees Celsius sa Science Garden sa Quezon City, kahapon.
Abot naman sa 46 degrees Celsius, ang pinakamataas na heat index ng nasabi ring araw sa Dagupan City, Pangasinan.
Sinabi ng PAGASA na kabilang pa sa mga lugar pa may mapanganib na heat index nitong Martes ay ang Aparri, Cagayan na abot hanggang sa 43 degrees Celsius habang pawang nasa 42 degrees Celsius ang Laoag, Ilocos Norte; Tuguegarao City, Cagayan; ISU Echague, Isabela; Clark Airport, Pampanga; Munoz, Nueva Ecija; Baler, Aurora at Casiguran, Aurora.
Nasa 43°C dangerous heat index din ang naitala sa mga lugar ng Aborlan, Palawan; Capiz; Iloilo City, Iloilo; at Zamboanga City, Zamboanga del Sur.
Nasa 42 degrees Celsius naman heat index sa Sangley Point, Cavite; Ambulong Tanauan, Batangas; Coron, Palawan; San Jose, Occidental Mindoro; Puerto Princesa City, Palawan; Virac, Catanduanes; Masbate City, Masbate; Pili, Camarines Sur; Roxas City; Dumangas, Iloilo; at Catarman, Northern Samar, habang 43°C dangerous heat index ang naitala sa mga lugar ng Aborlan, Palawan; Capiz; Iloilo City, Iloilo; at Zamboanga City, Zamboanga del Sur.
Sa isinagawa namang QC Journalist forum sa Quezon City Hall kahapon, sinabi ni Dra. Ana Solis, hepe ng Climate Monitoring and Prediction Department ng PAGASA na makakaranas ng matinding heat index ang buong bansa kasama na ang Metro Manila hanggang sa Mayo, ngayong taon.
Sinabi ni Solis na dahil sa patuloy na nananalasa ang El Nino Phenomenon at ang warn and dry temperature sa bansa, patuloy na makakaranas ng matinding init ng panahon ang buong bansa kabilang na ang Metro Manila.
Aniya, hindi naman heat wave ang nararanasan ngayon sa bansa dahil ito ay nagaganap lamang sa ibang bansa.
Bunsod nito, pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na mag-ingat sa matinding init ng araw upang makaiwas sa heat cramps, heat stroke at panghihina ng katawan.
- Latest