800 pamilya nasunugan sa Maynila, inayudahan

MANILA, Philippines — Umaabot sa 800 pamilya na nabiktima ng sunog kamakailan ang tumanggap ng tulong pinansiyal mula sa Manila City Government.

Mismong si Manila Mayor Honey Lacuna ang nanguna sa pamamahagi ng tig-P10,000 cash aid, kasama si Re Fugoso, na siyang pinuno ng Manila Department of Social Welfare (MDSW).

Ayon kay Lacuna, bagamat hindi kalakihan ang naipagkaloob na tulong pinansiyal ng lokal na pamahalaan, ay umaasa aniya siyang makakatulong ito sa mga fire victims upang makapagsimulang muli.

Sa nasabing okas­yon, nagpaabot din si Lacuna ng pag-aalala para sa mga residenteng nasugatan dahil sa sunog. Muling nagpaalala ang alkalde sa mga residente na sa panahon ng sunog, dapat na prayoridad ang buhay at kaligtasan ng bawat miyembro ng pamilya.

Ipinaalala rin ng ­alkalde sa mga residente na dahil tumitindi ang init ng panahon ay mas malaki ang panganib na magkaroon ng sunog.

Matatandaang tatlong insidente ng sunog ang sumiklab sa Maynila nitong nakalipas na linggo, kabilang na ang mataong lugar ng Parola at Isla Puting Bato.

Show comments