Rider, dinedo ng kapwa rider

Dead on the spot ang biktimang si Aaron Gibb Mamucod, 23, residente ng Yuseco St. Tondo, Manila dahil sa tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
STAR / File

MANILA, Philippines —  Isang rider ang nasawi nang barilin ng kanyang kasamang rider sa Sta. Cruz, Manila ka­makalawa ng gabi.

Dead on the spot ang biktimang si Aaron Gibb Mamucod, 23, residente ng Yuseco St. Tondo, Manila dahil sa tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, nakatakas naman ang suspek na inaalam pa ang pagkakakilanlan at inilarawang may taas na hanggang 5’9”, nakasuot ng kulay itim na long sleeve at short pants.

Sa imbestigasyon ni PMSg Arvy Macarasig, imbestigador ng Manila Police District (MPD) -Homicide Section, dakong alas-8:50 ng gabi nang maganap ang krimen sa Felix Huertas St., kanto ng Bambang St. sa Sta. Cruz.

Base sa kuha ng CCTV,  bago ang krimen ay makikitang kapwa nagmamaneho ng motorsiklo ang biktima at suspek at magkasunod na binabaybay ang Felix Huertas St.

Maya-maya ay ipinarada umano ng dalawa ang kanilang motorsiklo sa naturang lugar at nag-usap ang mga ito.

Sa hindi pa batid na kadahilanan ay bigla na lang umanong bumunot ng baril ang suspek at ilang ulit na pinaputukan ang biktima bago mabilis na tumakas.

Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa krimen upang maaresto ang suspek at mapanagot sa krimen.

Show comments