7K pulis itatapat sa 2-araw tigil-pasada

Police officers gather at the Manila Police District headquarters in UN Avenue, Manila during the flag raising and awarding ceremony.
The STAR / Russell Palma

MANILA, Philippines — Inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief PMaj. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., nasa 7,000 pulis ang kanilang ikakalat at ipantatapat sa isasagawang transport strike ngayong Lunes at Martes ng grupong Manibela at PISTON.

Nabatid na ng Team NCRPO ang libu-libong PNP personnel para tulungan ang publiko na maapektuhan sa rally.

Ayon kay Nartatez, ang nasabing puwersa ay inilatag sa Metro Manila upang matiyak na maayos ang isasagawang protesta ng dalawang transport group sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at sa Mendiola gayundin ang seguridad ng mga commuters na maaapektuhan sa tigil-pasada.

Kabilang sa popostehan ng mga pulis ang mga terminal, commercial area, at border control checkpoints.

Tutulong din ang mga foot, mobile, at motorcycle patroller, drone ­operator, at transport escort kasama ang Traffic Management Team at kaalyadong puwersa mula sa mga Local Government Units sa pag-regulate at pagpapanatili ng maayos na daloy ng trapiko sa mga rutang apektado ng transport strike.

Muli ring binuo at pinakilos ang Civil Disturbance Management Team upang siguruhin ang publiko at ang mga nagpoprotesta.

Ang NCRPO ay nag­handa ng kabuuang 205 sasakyan ng PNP na binubuo ng mga mobile cars, trucks, at buses para sa “Libreng Sakay” para sa mga maaapektuhan sa dalawang araw na transport strike.

Sa kabila ng walang naiulat na banta sa seguridad, binigyang-diin ni Nartatez na mananatili ang “heightened alert status” at patuloy lang ang security operations, intelligence surveillance, at counter-intelligence.

Pakiusap ni Nartatez sa mga transport group, gawing maayos at payapa ang kanilang protesta at huwag mag-harass ng mga PUVs (public utility vehciles) na papasada sa nasabing mga araw.

Show comments