P37 milyong marijuana sa 6 balikbayan box, nasabat
MANILA, Philippines — Nahadlangan ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) ang tangkang pagpupuslit ng may P37 milyong halaga ng marijuana o dried kush sa Manila port, nabatid kahapon.
Ito’y matapos ang isinagawang physical examination at x-ray scanning noong Biyernes, na nagresulta sa pagkakadiskubre ng mga ilegal na droga na itinago sa loob ng isang container.
Pinuri naman ni Customs Commissioner Bien Rubio ang operasyon at sinabing ang 100% physical examination at small baggage x-ray scanning ng shipment ay nakitaan ng anim na kahon (balikbayan boxes) na naglalaman ng 30,952 gramo o 30.952 kilogramo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana o kush na tinatayang nagkakahalaga ng P37,142,400.
Nabatid na hiniling ng CIIS-MICP ang 100% physical examination ng shipment matapos ang profiling at pagkatanggap ng derogatory information na nagsasaad na may mga balikbayan boxes ang naglalaman ng ilegal na droga mula sa Thailand.
Ayon kay CIIS Director Verne Enciso, ang anim na kahon ay naglalaman ng marijuana na may iba’t ibang timbang.
Ang shipment ay sinuri sa Designated Examination Area (DEA) ng MICP ng mga assigned Customs examiner, at sinaksihan ng CIIS, Enforcement and Security Service (ESS), Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), Philippine Coast Guard (PCG), Environmental Protection and Compliance Division (EPCD), at PDEA.
Sinabi naman ni Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy na nagpapatuloy ang marking ng mga nakumpiskang kontrabando sa naturang lugar.
- Latest