P222.9 milyong jackpot sa lotto, nasolo ng taga-Caloocan

MANILA, Philippines — Solong naiuwi ng isang taga-Caloocan City ang tumataginting na P222.9 milyong jackpot prize ng Grand Lotto 6/55 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kamakalawa ng gabi.

Ayon sa PCSO, ma­tagumpay na nahulaan ng lucky winner ang winning combination na 17-26-30-39-14-07 ng Grand Lotto 6/55 jackpot kaya’t maiuuwi niya ang katumbas nitong P222,993,453.20 na jackpot prize.

Nabili umano ng lotto winner ang kanyang lucky ticket sa Grace Park, Caloocan City.

Kaugnay nito, upang makubra ang kanyang premyo ay pinaalalahanan ng PCSO ang mapalad na mananaya na magtungo lamang sa PCSO Main Office sa Mandaluyong City.

Kinakailangan ding iprisinta ang kanyang winning ticket at dalawang valid IDs.

Ayon sa PCSO, maaaring kubrahin ang jackpot prize sa loob ng isang taon mula sa petsa nang pagbola dito. Ang lahat din ng premyong lampas ng P10,000 ay papatawan ng 20% buwis alinsunod sa TRAIN Law.

 

Show comments