Adjusted work sked sa NCR, umpisa sa Mayo 2
MANILA, Philippines — Inanunsiyo kahapon ni San Juan City mayor at Metro Manila Council (MMC) president Francis Zamora na sa susunod na buwan na nila sisimulang ipatupad ang adjustment ng work schedule ng mga manggagawa sa mga local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR).
Sa isang pulong balitaan kahapon, sinabi ni Zamora na nagdesisyon ang konseho na mula sa dating plano na Abril 15 ay sisimulan na lamang ito sa Mayo 2, 2024.
Layunin aniya nito na mabigyan ang mga LGUs at ang publiko ng sapat na panahon upang makapaghanda.
“Napagkasunduan po natin na yung inilunsad po na magiging 7:00AM to 4:00PM work schedule sa mga LGUs dito po sa Metro Manila, ito po ay sisimulan na natin sa May 2 na po,” anunsiyo pa ni Zamora.
Matatandaang una nang nagpasa ang MMC ng resolusyon na nagmamandato sa pag-a-adjust ng working hours sa LGUs at gawin itong 7:00AM-4:00PM mula sa tradisyunal na 8:00AM -5:00PM.
Inabisuhan na rin ng MMC ang mga LGUs na magpasa ng ordinansa hinggil sa pagpapatupad ng adjusted working schedule.
Sinabi rin ni Zamora na nasa 112,000 ang mga empleyado ng mga LGUs sa NCR.
- Latest