2-araw na malawakang tigil-pasada, ikinasa
Protesta sa no extension sa franchise consolidation
MANILA, Philippines — Magsasagawa ng dalawang araw na malawakang tigil-pasada ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytors Nationwide (PISTON) at grupong manibela bilang protesta sa deadline sa PUV consolidation kaugnay sa moderization program ng pamahalaan.
Nabatid na magsisimula ang transport strike sa Lunes, Abril 15, at magtatagal hanggang sa Martes, Abril 16.
Ayon kay PISTON national president Mody Floranda, nananatiling mahigpit ang pagtutol nila sa naturang PUV consolidation.
Paliwanag pa niya, hindi naman sila tutol sa modernisasyon, kundi sa consolidation lamang
“Ang nilalabanan po namin ay ‘yung franchising consolidation, hindi po ‘yung modernization. Malinaw ang ating posisyon sa ilalim ng modernization ay dapat sa ilalim ng rehabilitation,” ayon pa kay Floranda.
Kinukwestiyon din ni Floranda ang pagbawi sa kanilang prangkisa para ibigay umano sa malalaking korporasyon.
“Ang sinasabi nila sa ilalim ng modernization, ang gusto lang nilang ayusin ay ‘yung ating mga sasakyan pero bakit kailangan nilang bawiin o kumpiskahin ‘yung ating mga lehitimong prangkisa para pahawak sa malalaking corporation ‘yung ating franchise,” aniya pa.
Una naman nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na niya palalawigin pa ang April 30 deadline para sa consolidation.
Matatandaang taong 2017 pa nang simulang isulong ng pamahalaan ang PUVMP.
Layunin nitong palitan ang mga kasalukuyang jeepneys na hindi na road worthy, ng mga sasakyang mayroong Euro 4-compliant engine upang mabawasan ang polusyon at ang unang bahagi nito ay ang PUV consolidation.
- Latest