Bangkay ng babae, ikinahon, itinapon ng delivery rider

Itinago ang biktima sa alyas Jasmine, 32, residente ng Tambun­ting St., Sta. Cruz, ­Maynila.
STAR/File

MANILA, Philippines — Bangkay ng isang babae ang lumantad mula sa isang balikbayan box na selyado ng packaging tape  ang natagpuan sa madilim na bahagi ng Capulong St., sa Tondo Maynila, noong Sabado ng gabi.

Itinago ang biktima sa alyas Jasmine, 32, residente ng Tambun­ting St., Sta. Cruz, ­Maynila.

Naaresto naman sa follow-up operation  ang mga suspek na sina Rey Mark Incipedo, 27, delivery rider; William Barroso, 31, tricycle driver, at Russeller Pajarillo, 50, pawang ng Tambunting St. Sta Cruz, Maynila.

Ayon sa ulat nadiskubre ang bangkay alas-11:30 ng gabi sa Masuerte St., sa Tondo.

Batay sa kuha ng CCTV noong gabi ng Abril 6, 2024, nakita ang isang lalaking delivery rider na naka-pulang pang-itaas sakay ng motorsiklo na dumaan sa Capulong St., sakop ng Barangay 109, at pagsapit sa madilim ay iniwan nito ang kahon na inakala naman ng isang residente na parcel na maaring nahulog sa delivery rider. 

Nagawa pa ng isang residente na habulin ang motorsiklo subalit ‘di na naabutan kaya ipinaalam sa nakasasakop na barangay.

Nang usisain, ang kahon na balot na balot pa ng packaging tape ay isang nakabaluktot na bangkay ng babae  ang nasa loob nito. Nakita rin ang maitim na mga bakas ng sakal sa leeg nito.

Ipinaalam ito sa Raxabago Police Station 1 ng MPD, at itinawag sa MPD-Ho­micide Section.

Nitong Martes, Abril 9, inaresto ang dalawa sa suspek  matapos ang backtracking.

Ikinanta naman nina Incepedo at Barroso na si Pajarillo ang mastermind umano ng pagpatay at inutos lang ang pagpapatapon.Nadakip din naman si Pajarillo.

Tinitignan ang anggulong, ang biktima umano ay nagbibigay ng impormasyon sa mga pulis kaugnay sa aktibidad ng mga umano’y ‘tulak’ na suspects na posibleng motibo sa krimen.

Show comments