Welder, hulog habang nagkukumpuni ng bintana, patay!

MANILA, Philippines — Patay ang isang welder nang mahulog habang nagkukumpuni sa labas ng bintana nang bumigay ang kanyang tinutuntungang isang makeshift platform sa ikalawang palapag ng isang tahanan sa Tondo, Manila kahapon ng tanghali.

Naisugod pa sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si Noli Villafuerte, 50, at residente ng Gate 48, Area B, Parola Compound, Binondo, Manila ngunit hindi na umabot ng buhay dahil sa tinamong pinsala sa ulo at katawan.

Sa imbestigasyon ni PCMS Joseph Kabigting, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nabatid na dakong alas-12:05 ng tanghali nang maganap ang aksidente sa labas ng bintana sa ikalawang palapag ng tahanang matatagpuan sa 655 Claro M. Recto Avenue, sa Tondo.

Nauna rito, abala umano ang biktima sa pagkukumpuni sa labas ng bintana sa ikalawang palapag ng naturang bahay nang biglang bumigay at humiwalay mula sa makeshift platform ang kanyang inaapakang makeshift footrest.

Sanhi nito, nahulog ang biktima sa semento at nagtamo ng pinsala sa ulo at nabalian pa ng binti.

Nasaksihan naman umano ng kanyang kasamahang si Rey Ballena ang pangyayari kaya’t kaagad siyang dinaluhan at isinugod sa pagamutan ngunit idineklara na ring dead-on-arrival ng mga doktor.

Show comments