‘Tulak’; inaresto ng parak, tepok sa komosyon
MANILA, Philippines — Patay ang isa sa dalawang “tulak” na inaresto matapos umanong atakehin sa puso sa gitna ng komosyon sa loob ng kanyang tahanan kamakalawa ng umaga sa Quezon City.
Kinilala ang biktima na si Dexter Galvan Reovaldez, 40, at nakatira sa Joyful St., Sitio Veterans Brgy. Bagong Silangan, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni PSSg George A Caculba, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), nangyari ang insidente bandang alas-11:45 ng umaga ng Sabado sa loob ng tahanan ng biktima.
Bago ang insidente, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Special Operating Unit ng National Capital Region (NCR), at Philippine National Police (PNP)- Drug Enforcement Group sa pangunguna ni P/Captain Lord Vincent G Cortez kasama si Pat John Carl Carpio Ralleta.
Ang operasyon ng pulisya ay nagresulta sa pagkakaaresto kina Reovaldez at Angelo Buala Gultiano. Pero habang nasa kustodiya si Reovaldez ng nasabing mga arresting officer ay nagkaroon ng commotion kung saan biglang nawalan ng malay ang biktima.
Agad namang isinugod ng mga pulis sa Rosario Maclang General Hospital ang biktima subalit binawian din ito ng buhay, ayon sa attending physician na si Dr. Edric Albert Felix bandang 12:41 nitong Linggo ng umaga (February 25).
Sa isinagawang cursory examination sa bangkay ng biktima, nadiskubreng nagtamo ito ng “hematoma” sa ibabang bahagi ng kaliwang mata.
- Latest