Chinese dawit sa kidnap, napigil sa NAIA
MANILA, Philippines — Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang tangkang pagpuslit ng isang Chinese national na may kasong kidnapping at illegal detention sa isa niyang kababayan sa Pampanga may tatlong taon na ang nakakaraan.
Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kinilala ng border control and intelligence unit (BCIU) ng BI ang pasahero na si Hu Zhen, 25, na naharang sa NAIA terminal 3 bago ito makasakay sa kanyang flight papuntang Singapore.
Pinigil si Hu sa pag-alis matapos kumpirmahin ng mga immigration supervisor na naka-duty na ito ay napapailalim sa isang outstanding hold departure order (HDO) na inisyu ng Regional Trial Court sa Angeles City.
Nakita sa mga rekord na ang kaso ng kidnapping at serious illegal detention para sa ransom ay isinampa laban kay Hu at tatlong iba pang Chinese national sa Angeles City RTC Branch 56 noong Marso 30, 2020.
Peb. 28, 2020 ang apat na akusado umano ay nagsabwatan sa marahas na pagdukot, pagkulong sa isa nilang kababayan.
Higit dalawang linggo umanong binihag ng akusado ang biktima at humingi ng ransom na 300,000 Renminbi o mahigit P2.3 million para sa kanyang paglaya.
- Latest