Murder inihain vs killer ng ginang sa Parañaque
MANILA, Philippines — Pinaniniwalaang naresolba na ang malagim na kaso ng pamamaslang sa isang 43-anyos na ginang na tinadtad ng bala sa ulo, habang papasakay sa kaniyang kotse, kasama ang kaniyang dalawang anak, sa Parañaque City, noong Pebrero 15, 2024.
Sa ulat mula sa Southern Police District (SPD) Public Information Office, isinailalim na sa inquest proceedings sa Parañaque City Prosecutor’s Office ang suspek na si alyas Cafgu, kaugnay sa pagpatay sa biktimang si alyas Yolanda.
Si Cafgu ay boluntaryong nagtungo sa San Dionisio Police Substation, kasama ang mga kamag-anak para linisin umano ang kaniyang pangalan. Nang dalhin sa Parañaque City Police Station ay hindi na siya pinakawalan matapos positibong kilalanin ng mga anak ng biktima na may kagagawan sa krimen.
Matatandaang pinagbabaril ang biktima na noon ay papasakay sa kaniyang kotse at nasaksihan ng kaniyang mga anak, sa Palanyag Road, Gatchalian, Brgy. San Dionisio, Parañaque City.
HIndi na umabot pang buhay makaraang isugod sa pagamutan ang ginang.
Sa beripikasyon, ang suspek ay may hawak na expired na License to Own and Possess Firearms (LTOPF) mula noong Marso 11, 2022, at may dalawang kalibre 45.
Natukoy din na may criminal record ito sa paglabag sa Republic Act 10591 (Consummated Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) na may petsang Enero 20, 2021, sa Antipolo, Rizal.
- Latest