Ginang itinumba sa harap ng 2 anak
MANILA, Philippines — Patay ang isang 43-anyos na ginang nang pagbabarilin habang papasakay sa kaniyang kotse, kasama ang dalawang anak na kapwa menor-de-edad sa harapan ng isang coffee shop, sa Parañaque City.
Naisugod pa sa Olivarez Hospital ang biktimang si alyas Yolanda subalit idineklara siyang dead-on-arrival.
Sa ulat, naganap ang pamamaril pasado alas-6:00 ng gabi, sa tapat ng isang coffee shop sa Gatchalian, Barangay San Dionisio, Parañaque City.
Batay sa CCTV footage, binuksan pa lang ng biktima ang kaniyang sasakyan sa driver’s seat para sumakay nang biglang sumulpot sa likuran ang gunman at ilang ulit siyang pinaputukan sa ulo.
Nasaksihan ng dalawang anak ang nangyari na nag-iiyak dahil sa pagkabigla sa pamamaril sa kanilang ina.
Itinuturong responsable sa krimen ang isang dating Philippine Army (PA) Reservist na si alyas Cafgu, 40.
Ang nasabing suspek ay kasalukuyang nakapiit na sa Parañaque City Police Station ay sumuko upang linisin umano ang kaniyang pangalan.
Bago ang insidente, may mga death threat na umanong natatanggap ang biktima mula umano sa suspek at may isang alyas Winnie ang sinampahan niya ng kasong paglabag sa Republic Act 9262 (Violence Against Women and Children Act).
Patuloy pang sinisiyasat ang insidente at motibo sa krimen.
- Latest