20-anyos, timbog sa ‘sextortion’
MANILA, Philippines — Himas-rehas ang isang 20-anyos na lalaki matapos ireklamo ng ‘sextortion’ ng kanyang naging ka-chat sa Quezon City.
Ayon kay Pat. Ian Godfrey Jacinto ng Quezon City District Anti-Cyber Team, dakong alas-11:20 ng umaga kahapon nang maaresto ang suspek na si Ian Patrick Bautista, residente ng Tondo, Manila matapos na positibong itinuro ng 35- anyos na biktima na residente ng Sangandaan, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon, nagkakilala ang biktima at suspek sa isang Dating Up noong Disyembre 16, 2023 hanggang sa magkapalagayan ng loob at nagkasundo na magkita sa isang inn sa Muñoz, QC.
Lingid sa kaalaman ng biktima, nirerekord na siya ng suspek habang hubo’t hubad at doon na nagsimulang manakot at manghingi ng pera.
Dala ng takot, nagbigay ang biktima ng P35,000 sa pamamagitan ng GCash hanggang sa maulit ang panghihingi ng suspek sa bantang ikakalat ang mga larawan ng biktima.
Bunsod nito, humingi ng tulong ang biktima sa pulisya at isinagawa ng entrapment operation.
Nakipagkasundo ang biktima sa suspek na muling magbibigay ng pera para tuluyan nang burahin ang mga larawan at video.
Agad na ikinasa ng pulisya ang entrapment operation sa Bago Bantay at naaresto ang suspek.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 294 (Sextortion), Article 286 (Grave Coercion) ng RPC at RA 11313 (Safe Spaces Act) all in relation to Section 6 ng RA 10175 o mas kilalang “Cybercrime Prevention Act of 2012.
- Latest