Mga deboto tuloy ang pag-akyat sa Andas ng Itim na Nazareno
MANILA, Philippines — Sa kabila ng mga nauna at paulit-ulit na panawagan, nagpatuloy pa rin ang ilang mga deboto sa nakagawian nilang pag-akyat sa Andas ng Itim na Nazareno nang mag-umpisa nang gumulong ang Traslacion 2024 kahapon ng madaling araw.
Matatandaan na binalot na ang imahe ng Poon sa salaming kahon para maproteksyunan ito at hindi masira.
Kasunod ito ng mga panawagan ng Simbahan ng Quiapo at lokal na pamahalaan sa mga deboto na huwag nang umakyat sa Andas at maaari namang maghagis ng bimpo sa mga Hijos del Nazareno para siyang magpupunas sa nakalawit na dulo ng krus.
Ngunit tila hindi ito alintana ng ilang mga deboto na nagpatuloy sa kanilang gawain na akyatin pa rin ang Andas. Pilit naman silang pinagbabawalan ng mga Hijos na nasa paligid ng Andas.
Nang masaksihan ang mga video, muling nanawagan kahapon si Manila City Mayor Honey Lacuna sa mga deboto na itigil ang pag-akyat para sa sariling kaligtasan at para mapreserba ang imahe ng Nazareno.
“Sana huwag na po ninyong sampahan ang Andas, para na rin po iyan sa inyong kapakanan na hindi kayo madisgrasya,” saad ni Lacuna.
Sa kabila nito, tila “taingang kawali” ang ilang deboto na patuloy sa kanilang ginagawang pag-akyat sa Andas sa kabuuan ng ruta ng prusisyon.
- Latest