68-anyos na lolo, itinumba ng hired killer
MANILA, Philippines — Patay ang isang 68-anyos na lolo matapos na pagsasaksakin ng isang hinihinalang ‘hired killer’ sa isang eskinita sa Pasig City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Antonio Bantilan, bunsod nang tinamong mga saksak sa tagiliran at harapan ng kanyang katawan.
Samantala, arestado naman sa isinagawang follow-up operation ang umaming hired killer na si Minardo Lialde, gayundin ang tinukoy niyang utak sa krimen na si Ramon Velasco, alyas Ara.
Batay sa kuha ng CCTV, makikita ang hired killer na dumating sa isang eskinita sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City, na lulan ng isang motorsiklo.
Bumaba ito ng motorsiklo at hindi naghubad ng helmet at jacket.
Nang makita niya ang biktima na pumasok sa isang eskinita ay kaagad itong sinundan hanggang sa makarating sa looban.
Hindi na nakuhanan ng CCTV ang aktuwal na pagpatay sa biktima ngunit maririnig ang mga sigaw nito habang isinasagawa ang pananaksak sa kanya.
Nang matiyak na napuruhan ang target ay mabilis na tumakas ang suspek ngunit malaunan ay nadakip din ng Pasig City Police sa isang lugar sa Pateros.
Sa interogasyon, inamin ng suspek ang pagpatay at itinuro si Velasco na siyang nagbayad sa kanya ng P20,000 upang isagawa ang krimen.
Ayon kay PCOL Celerino Sacro Jr., lumitaw sa isinagawang imbestigasyon na posibleng pera ang motibo ng krimen.
Ani Sacro, bago ang krimen ay nagsanla umano ang biktima ng property kay Velasco sa halagang P500,000 ngunit nang sinisingil na siya nito ay tumanggi siyang magbayad at sa halip ay binigyan pa si Velasco ng hanggang Enero 24 upang umalis sa kanyang ari-arian.
Mariin namang pinabulaanan ni Velasco ang akusasyon at sinabing hindi niya kilala ang hired killer.
Gayunman, ani Sacro, malabong hindi magkakilala ang hired killer at ang mastermind dahil nakakalap aniya sila ng isang CCTV footage kung saan makikitang nag-uusap ang mga ito.
Hinala pa ng mga awtoridad, ito ang pagkakataon kung kailan pinagplanuhan ng dalawa kung saan, kailan at paano isasagawa ang pagpatay.
Dagdag pa ni Sacro, lumitaw rin sa pagsisiyasat na gabi-gabing nagsasara ng water meter ang biktima kaya’t doon ito inabangan ng hired killer upang itumba.
- Latest