Ridership ng MRT-3, 30 percent itinaas, noong 2023
MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na tumaas ng 30% ang kanilang ridership noong taong 2023.
Ayon sa MRT-3, nakapagtala sila ng ridership na 129,030,158 sa katatapos na taon, kumpara sa 98,330,683 lamang noong 2022.
Tumaas din umano ang average daily ridership ng MRT-3 sa 357,198, na higit 30% na mas mataas kumpara sa 273,141 na nai-rekord noong 2022.
Anang MRT-3, ang highest single-day ridership ay naitala nila noong Agosto 22 na may 450,298 pasahero.
Ang Agosto rin anila ang buwan na may pinakamataas na bilang ng mga pasahero noong nakalipas na taon, kasunod ang mga buwan ng Oktubre, Setyembre, at Disyembre.
Sinabi ni MRT-3 officer-in-charge (OIC) at Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Jorjette Aquino na ang pagtaas ng ridership ay dulot na rin nang pinahusay na reliability, effective maintenance program, at pagbabalik ng on-site work, matapos ang lockdown na ipinairal ng pamahalaan noong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19.
Aniya pa, ang travel time mula sa North Avenue Station hanggang Taft Avenue Station ay nasa 30 hanggang 45 minuto na lamang ngayon.
Mayroon din aniya silang 18 train sets na bumibiyahe, na may headway na 3.5 hanggang apat na minuto.
Samantala, iniulat din ng MRT-3 na nasa kabuuang 220,706 pasahero nila ang nakinabang sa kanilang mga libreng sakay na ipinagkaloob noong 2023.
Ang minimum na pasahe sa MRT-3 ay inaasahang tataas sa hanggang P16 mula sa kasalukuyang P13 sa unang bahagi ng taong 2024.
Ang MRT-3 ay bumabaybay sa kahabaan ng EDSA, mula Taft Avenue, Pasay hanggang North Avenue, Quezon City at pabalik.
- Latest