Caloocan LGU, inilabas ang iwas paputok guidelines
MANILA, Philippines — Tatlong araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon, inilabas na ng Caloocan LGU ang ilang paalala para sa ligtas na pagsalubong ng 2024.
Ayon kay Caloocan Mayor Along Malapitan, maaaring gumamit na lamang ng alternatibong pampaingay at pailaw gaya ng torotot, light-emitting device, mga kaldero at kawali, at malalakas na sound system.
Iwasang damputin ang mga paputok na hindi sumabog bagkus ay buhusan ito ng tubig at walisin.
Para naman sa mga may alagang hayop, hangga’t maaari ay ipasok ang mga ito sa loob ng bahay para hindi maapektuhan ng malalakas na ingay dulot ng pagdiriwang.
Sinabi ni Malapitan na mahalagang panatilihing ligtas ang sarili, pamilya at mga kapitbahay sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga paputok.
Ang mahalaga aniya ay sama-sama ang pamilya na sasalubong sa Bagong Taon at bagong pag-asa.
Kaugnay nito, tiniyak ng LGU na nakahanda ang mga first responders sa anumang emergency sa darating na Bagong Taon.
- Latest