Drivers ng mga sasakyang may plakang ‘8’, aarestuhin na ng MMDA
MANILA, Philippines — Sisimulan nang arestuhin ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga driver ng mga sasakyang may plakang ‘8.’
Ito’y matapos na magkausap sina MMDA Chairman Armando Artes at House Secretary General Reginald Velasco nitong Martes ng gabi.
Sa nasabing pulong, kinumpirma ni Velasco kay Artes na ang mga nakalabas na plakang ‘8’ ngayon ay paso na.
Wala pa rin aniya silang iniisyung bagong “special plates” para sa mga mambabatas.
Tiniyak rin ni Velasco kay Artes na hindi nila kukunsintihin ang paggamit ng mga hindi awtorisado at ilegal na espesyal na plaka dahil ito ay banta sa public safety at nagpapahina sa integridad ng vehicle registration system.
Nauna rito, ilang sasakyang may plakang 8 ang nasita ng mga tauhan ng MMDA matapos na dumaan sa eksklusibong EDSA Bus Carousel.
- Latest