2 ordinansa para labanan ang child labor, inaprubahan na ni Mayor Joy
MANILA, Philippines — Higit pang pinaigting ng Quezon City government ang kampanya laban sa child labor sa lungsod
Ito ay makaraang lagdaan ni QC Mayor Joy Belmonte ang Ordinance No. SP-3201, S-2023 at Ordinance No. SP-3214, 2-2023 na pawang iniakda ni Councilor Edgar “Egay” Yap na layong ibsan at wakasan ang child labor sa QC.
“Sa tulong ng dalawang Ordinansang ito, mapapaigting pa natin ang laban kontra child labor na matagal na nating nais tuldukan dito sa Quezon City,” sabi ni Belmonte.
Sa ika- apat na State of the City’s Children Report ni Belmonte, may 5,449 lalaki at 4,773 kabataang babae sa QC ay mga biktima ng child labor noong last quarter ng 2022.
Sa pamamagitan ng dalawang ordinansa maiiwasan at mapipigilan ang lahat ng uri ng child labor at mapagkalooban ang social protection ang mga biktima at kanilang pamilya.
Nakasaad din sa ordinance 3201 ang pagbabawal sa mga 15-taong gulang pababa na magtrabaho maliban lamang kung ang trabaho ng bata ay sole responsibility ng kanyang magulang o legal guardians kung saan ang miyembro ng pamilya ay naka-employed.
Kung magta-trabaho ang isang bata ay dapat kumuha ng entertainment o information work permit mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) na susundin ang mga rekisitos para dito.
May nakalaang parusa sa mga lalabag sa nilalaman ng ordinansa.
- Latest