Sikretong pasugalan sa Valenzuela, itinanggi

MANILA, Philippines — Tiniyak ni Valenzuela  City Mayor  Wes Gatchalian na walang “clandestine” o patagong operasyon ng  illegal gambling sa lungsod  dahil sa regular na inspeksiyong isinasagawa ng mga tauhan ng city hall sa mga establisimyento.

Ang paniniyak ay ginawa ni  Gatchalian kasabay ng pagpasa ng ordinansa sa lungsod na nagbabawal sa anumang uri ng sugal at paglalagay ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa lungsod.

Ayon kay Gatchalian, nagsasagawa rin sila ng mga surprise inspection upang masiguro na hindi nagagamit ang mga establisimyento o lugar sa pasugalan at iba pang illegal.

Binigyan diin ni Gatchalian na prayoridad nila ang pagkakaroon ng isang mabu­ting Valenzuelanos at walang impluwensiya ng anumang sugal at bisyo. Aniya, kanilang pinaiiral ang moral at social obligation sa kanilang mga residente.

Aminado rin Gatcha­lian na malaking tulong ang suporta ng 33 barangay chairman upang hindi makapasok ang illegal gambling sa lungsod.

Dagdag pa ni Gatchalian, sapat na ang  kanilang kita sa mga pabrika upang maibigay ang  nararapat na tulong sa mga Valenzuelanos kabilang  ang financial, education, health at maging burial assistance.

“Hindi naming kailangan ang  sakla o anumang sugal para matulungan ang mga namatayan. Tinatapatan namin ito,” ani Gatcha­lian.

Show comments