10K nakiisa sa Nutri Fun Run sa Mandaluyong
MANILA, Philippines — Umaabot sa 10,000 indibiduwal ang nakilahok sa 14th Nutri Fun Run na idinaos ng Mandaluyong City Government kahapon upang isulong ang healthy living sa publiko.
Mismong si Mandaluyong City Mayor Ben Abalos ang nanguna sa naturang aktibidad, kasama sina Vice Mayor Menchie Abalos, Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, at lahat ng opisyal ng lungsod.
Ayon sa Mandaluyong LGU, ang 14th Nutri Fun Run ay bahagi ng serye ng mga aktibidad ng city government para sa pagdiriwang ng kanilang 49th Nutrition Month.
Sinimulan ang naturang 3-kilometer run dakong alas-5:00 ng madaling araw mula sa City Hall patungong Martinez Street hanggang sa Fabella Road at pabalik. Layunin ng aktibidad na mahikayat ang mga mamamayan na maging aktibo upang panatilihing malusog ang kanilang pangangatawan.
Kaugnay nito, hinikayat ni Mayor Abalos na siya ring pinuno ng City Nutrition Committee, ang lahat na magkaroon na ng healthy lifestyle, sa pamamagitan ng pagpili ng sports o laro na kanilang gusto o nae-enjoy.
Aniya, maaaring lumahok sa iba’t ibang sports o palakasan na isinusulong ng city government gaya ng boxing, basketball, at iba’t ibang uri ng martial arts.
- Latest