DICT: SIM registration, halos 60% na
MANILA, Philippines — Nasa halos 60% na ang SIM card registration sa bansa, isang buwan bago ang deadline nito sa Hulyo 25.
Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Assistant Secretary for Cybersecurity and Upskilling Jeffrey Ian Dy, ang naturang bilang ng registered SIMs ay katumbas ng nasa 100,200,000 subscribers.
Ani Dy, ito ay “significant” na numero na at nakaabot na sa kanilang soft target. Matatandaang ang orihinal na deadline ng SIM registration ay Abril 26, ngunit dahil kakaunti pa lang ang nairehistrong SIM card ay pinalawig ang deadline nito sa Hulyo 25.
Sinabi naman ni Dy na wala nang panibagong extension na ipatutupad sa SIM registration ang pamahalaan. Babala pa niya, ang lahat ng hindi rehistradong SIM ay made-deactivate matapos ang deadline.
Muling hinikayat ni Dy ang publiko na magparehistro na ng SIM upang makaiwas sa deactivation.
- Latest