Inhinyero natagpuang patay sa lodging house
MANILA, Philippines — Natagpuang wala nang buhay ang isang inhinyero sa loob ng kuwarto ng isang lodging building sa may Sampaloc, Maynila nitong Lunes ng hapon.
Nakilala ang nasawi na si Engr. John Cris Tamayo, 30, isang site engineer at nakatira sa Banna, Ilocos Norte.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD), dakong alas-1 ng hapon nang madiskubre ang wala nang buhay na si Tamayo sa Room 4E ng isang hotel sa may P. Margal Street, Sampaloc.
Nabatid na alas-8 ng umaga nang tinawagan ng staff ng hotel ang biktima sa kaniyang kuwarto ngunit walang sumasagot. Inakala ng staff na mahimbing lamang ang pagkakatulog ng guest nila at binalikan ng ala-1 ng hapon.
Ngunit nang wala pa ring sumasagot sa kanilang tawag, dito na sila humingi ng tulong sa barangay at ginamitan ng duplicate key ang kuwarto. Nahirapan pa silang buksan ang pinto dahil sa nakaharang ang nakahandusay na biktima sa likuran nito.
Blangko naman ang pulisya sa sanhi ng pagkamatay ni Tamayo na isasailalim sa awtopsiya para mabatid ito.
- Latest