Bahagi ng Roxas Boulevard, isasara tuwing gabi
MANILA, Philippines — Inabisuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na dumaraan sa Roxas Boulevard sa nakatakdang pagsasara ng mga porsyon nito tuwing gabi upang bigyang-daan ang konstruksyon ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) Cavite Extension project.
Mag-uumpisa ang pagsasara sa bahagi ng Roxas Blvd. mula EDSA Extension hanggang Brado Avenue-southbound sa Enero 20 para sa instalasyon ng ‘main girder, support beam at span’ ng LRT Line 1.
Pinayuhan ng MMDA ang mga maaapektuhang motorista na sundin ang ilalatag na alternatibong ruta. Maglalatag naman ang ahensya ng mga ‘directional signs’ para gabayan ang mga tsuper.
Para sa mga behikulo na patungo sa EDSA Extension, kailangan nilang kumaliwa sa Macapagal Avenue; ang mga patungo ng southbound ay padaraanin sa service road ng EDSA flyover at kakanan sa EDSA Extension.
Ang paiba-ibang oras naman ng paggawa sa Roxas Blvd. ay dulot umano ng interupsyon sa kuryente sa naturang lugar sa nabanggit na mga petsa.
- Latest