Pekeng doktor arestado
MANILA, Philippines — Pinosasan ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang lalaki na nagpanggap umano na isang doktor at nagawang makapagreseta ng mga gamot sa kaniyang mga pasyente sa pamamagitan ng online consultation, kamakalawa sa Quezon City.
Kinilala ni P/LtCol Harry Ruiz Lorenzo III, MPD-Jose Abad Santos Police Station 7 commander, ang suspek na si Omar Moharin, 34, binata at nakatira sa New Manila, Quezon City.
Inaresto si Moharin ng mga tauhan ng Tayuman Police Community Precinct-Station 7 sa isang bahay sa kanto ng Jose Abad Santos Ave. at F. Yuseco Street sa Tondo makaraan ang reklamo ni Raffy Crespo, 31, may-ari ng Star Medical Clinic sa Prudencia St., Tondo.
Ayon kay Crespo, nag-aplay sa kaniya si Moharin bilang doktor na tutugon sa online consultation ng kanilang mga pasyente sa kanilang klinika. Tinanggap niya si Moharin makaraang makapagpakita ng lisensya bilang doktor at ilan pang dokumento at binigyan ng suweldo na P3,500 kada araw.
Ngunit nagtaka siya nang marami nang pasyente ang nagrereklamo sa kanilang klinika dahil sa mga sablay na reseta ng gamot na ibinibigay ng suspek. Dito siya nag-imbestiga sa Professional Regulatory Commission (PRC) at nadiskubreng hindi kasama si Moharin sa nabigyan ng medical license.
Agad na nagsuplong sa MPD si Crespo na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek. Nahaharap si Moharin ngayon sa mga kasong paglabag sa Republic Act 2382 (Medical Act of 1959), Article 315 (Estafa) at Article I70 (Falsification of Document) ng Revised Penal Code.
- Latest