‘Honest mistake’ - Mayor Abby
Sa nag-viral na video hindi naiturok na laman ng hiringilya
MANILA, Philippines — Humingi ng paumanhin kahapon si Makati City Mayor Abigail Binay kaugnay sa viral video ng isang volunteer nurse na hindi naiturok ang lamang COVID-19 vaccine sa isang indibidwal.
Ani Mayor Abby, isang honest mistake ang nangyari na agad namang naitama.
“We acknowledge the video, it was a human error on the part of the volunteer nurse. It happened last June 25. June 26, the video was shown to us na hindi po siya (indibiduwal) nabakunahan, we apologize to the public [for this],” ani Binay.
Makikita sa nag-viral na video na ang isang health worker ay nagturok sa braso ng isang vaccine recipient na hindi naman itinulak ang plunger,kaya naiwan pa ang laman sa syringe.
Kasabay nito, umapela na rin ang alkalde ng pang-unawa at nakiusap na huwag nang i-bash ang volunteer nurse at huwag sirain ang ginagawang COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.
“Maawa po tayo sa nurse, kusang-loob po siya naglaan ng kanyang oras, tao lang po, napapagod, naitama naman agad ang pagkakamali. Humihingi rin siya ng tawad and we are giving an assurance na hindi na uli mangyayari ito,” giit ni Mayor Abby.
Iginiit niya sa ipinaskil sa facebook page ng makati City government na isang insidente ng human error lamang ang nasabing pangyayari.
- Latest