Warehouse sa Pandacan nasunog, bahagi ng Skyway Stage 3, bumagsak
MANILA, Philippines — Tinupok ng apoy ang isang warehouse na pagawaan ng plastic palettes kung saan bumagsak ang bahagi ng ginagawang Skyway Stage 3, sa Pandacan, Maynila kahapon.
Ayon sa Manila Fire Department, umakyat sa Task Force Bravo ang sunog dakong alas-11:05 na nagsimula dakong alas-10:36 ng umaga at idineklarang fire-out alas 2:57 ng hapon sa warehouse na nasa Tomas Claudio St., Pandacan.
Naapektuhan ng sunog ang ginagawang Skyway Stage 3 na dahil sa matinding init at apoy ay bumagsak at nasira.
Bunga rin ng makapal na usok mula sa nasabing sunog ay hindi rin nakapag-operate ang magkakasunod na San Andres, Paco at Pandacan stations ng Philippine National Railways (PNR).
Nagdulot naman ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko ang sunog at pagbagsak ng Skyway kaya’t pinayuhan ng Metropolitan Manila Development Authority ang mga motorista na iwasan muna ang naturang lugar.
Wala namang napaulat na nasaktan o nasugatan habang inaalam ang sanhi at halaga ng napinsala.
- Latest